Sabado, Marso 9, 2013

Ecclesiastico 4:1-10



Ecclesiastico 4: 1-10

1 Anak, huwag mong aalisan ng ikabubuhay ang mahihirap
at huwag mong paghihintayin ang nangangailangan.
2 Huwag mong dudustain ang nagugutom,
at huwag mong gagalitin ang taong nasa mahigpit na pangangailangan.
3 Huwag mong dadagdagan ng suliranin ang taong masama ang loob,
at huwag mong ipagpaliban ang pagtulong sa maralita.
4 Huwag mong tatanggihan ang hiling ng nasa kasawian;
huwag mong tatalikuran ang taong dukha.
5 Huwag mong iiwasan ang nangangailangan;
huwag mo siyang bibigyan ng dahilang sumpain ka.
6 Kung sumpain ka niya sa gitna ng mapait niyang karanasan,
diringgin ng Maykapal ang kanyang dalangin.
7 Sikapin mong kalugdan ka ng lipunan;
igalang mo ang mga may kapangyarihan.
8 Pakinggan mo ang daing ng maralita;
sagutin mo siya nang banayad at payapa.
9 Iligtas mo ang naaapi sa kamay ng mang-aapi,
at magpakatatag ka kapag ikaw ay humahatol.
10 Maging isa kang ama sa mga ulila;
bigyan mo ang mga biyuda ng tulong na hindi na maidulot ng yumaong asawa;
aariin kang anak ng Kataas-taasang Diyos
at iibigin ka niya nang higit pa sa pag-ibig ng isang ina.

Ecclesiastico 1:1-21


Ecclesiastico 1: 1-30

Papuri sa Karunungan
1 Mula sa Panginoon ang lahat ng karunungan,
at iyon ay taglay niya magpakailanman.
2 Sino ang makakabilang ng buhangin sa dagat, o ng patak ng ulan,
o ng mga araw, o sa panahong walang pasimula at walang katapusan?
3 Sino ang makakasukat sa taas ng langit, o sa lawak ng lupa?
Sino ang makakaarok sa karagatan
at sino ang makakasaliksik sa Karunungan?
4-5 Bago pa likhain ang alinmang nilalang, nalikha na ang Karunungan,
at ang tunay na pagkaunawa, bago pa nagsimula ang mga panahon. a
6-7 Kanino ipinahayag ang simula ng Karunungan,
at sinong nakakaalam ng kanyang pamamaraan? b
8 Iisa lamang ang talagang marunong;
dapat tayong gumalang na may paghanga sa harap ng kanyang luklukan.
9 Ang Panginoon ang lumikha ng Karunungan,
kinilala niya ang kahalagahan nito
at ibinuhos niya ito sa lahat ng kanyang nilalang.
10 Binahaginan niya ng Karunungan ang lahat ng tao,
ngunit higit na masagana ang kaloob niya sa mga umiibig sa kanya. c
11 Kung may paggalang ka sa Panginoon,
magkakamit ka ng karangalan at kasiyahan,
mapuputungan ka ng tuwa at kagalakan.
12 Ang magparangal sa Panginoon ay nagdudulot ng kaligayahan at tuwa,
nagkakaloob ng buhay na mahaba at maligaya. d
13 Ang may paggalang sa Panginoon ay sasagana sa bandang huli;
pagpapalain siya sa oras ng kamatayan.
14 Ang paggalang sa Panginoon ay simula ng tunay na Karunungan;
sa sinapupunan pa ng ina'y kasama na siya ng mga tapat.
15 Nanirahan siya e sa gitna ng mga tao mula pa noong una
at magtitiwala sa kanya ang mga susunod na salinlahi.
16 Ang may paggalang sa Panginoon
ay siyang nagkakamit ng pinakamataas na Karunungan;
mag-uumapaw sa kanila ang kanyang masaganang bunga,
17 pinasasagana niya sa mabubuting bagay ang kanilang tahanan,
pinupuno niya ng masaganang ani ang kanilang f mga kamalig.
18 Ang paggalang sa Panginoon ay magandang bulaklak ng Karunungan,
na nagdudulot ng kapayapaan at kalusugan. g
19 Namamahagi siya ng kaalaman at ganap na pagkaunawa;
ang nagpapahalaga sa kanya
ay kanyang pinaparangalan at pinagiging tanyag.
20-21 Ang paggalang sa Panginoon ay siyang ugat ng Karunungan,
at ang mga sanga naman nito ay mahabang buhay